Home » Archives » October 2007
pagpupugay sa mga magsasaka
October 19, 2007Sa bawat bukang-liwaway,
Ininda mo ang kirot na nadarama
Ng katawan.
Ng iyong damdamin.
Ipinunla mo ang iyong pag-asa
Sa bawat palay na itinatanim
Ang pagyakap ng iyong palad sa bawat bungkos ng palay
Ay katulad ng pagyakap sa lipunang, pilit mong binubuhay
Habang ang marami ay nagpapakasasa
Ikaw ay nagluluksa
Sa huwad na reporma sa lupa
Ako, kami, ay iyong kasa-kasama
Sa pag-aalsa laban sa mapaniil na sistema
Pagkat bawat butil ng kanin, ng bigas
Ay katumbas ng bawat patak ng iyong luha, pawis at dugo
At sa pagniniig ng liwanag at dilim
Ikubli ang takot sa kadiliman
Hayaan mong pukawin ka ng karanasan
Gisingin mo ang iyong kamulatan
Bumangon ka mula sa alinlangan
Gumising ka.
Bumangon ka.
Gumising na.
Bumangon na.
para kay kuya anthony, maligayang kaarawan
October 11, 2007sa darating na Lunes, ilang taon na kaya?
ikaw?
at ilang taon na rin naghihirap ang iyong pamilya?
kaya mo kayang bilangin?
ang mga pangarap mong inukit mo sa hangin?
mga taong ang pamilya ay pinagmalupitan
ng mga huwad na reporma sa lupa ng mga makapangyarihan?
asahan mo
sabay natin silang bilangin
sabay nating hahamakin ang sistema
na nagpapasa sa interes ng iilan
habang ikaw, kayo, tayo ay walang pakundangan na inaapakan.
sabay tayong tumindig at manalig
na hindi tayo nag-iisa sa hangaring baligtarin ang tatsulok
darating ang araw
na sisikat ang umaga
na ikaw, tayo ang nakatindig
sa tugatog ng tagumpay.
sana palaging anjan ka lang, jan
October 10, 2007
sa gabing malamlam
na dati'y pinagasaluhan natin sa bawat
pagsusunog ng kilay
para sa physics, sa p.e., maging sa religion
pero madalas magkuwentuhan lang
madalas para sunugin lang ang katahimikan
pero bukas
ang iyong gabi ay magiging aking araw
sa malayo
kung saan
ang lamig ay kumakagat hanggang sa buto
habang masidhi ang init ng araw dito
nais kong akapin ang init,
igapos sa aking bisig upang ito ay ihatid sayo
sa ym, sa email
kung ito na lang ang tanging paraan
upang mayakap ka.
ang gabi ko ay malamlam
sa iyong paglisan
pero inaasahan na sa ilalim
ng iisang alapaap
ang parehong bituin ay patuloy na kikislap
ang kalungkutan ay iindap indap.
hanggang sa muli nating pagkikita.
nasa’n si mai?
October 9, 2007kanina habang naglalakad patungong library, sa silong ng mga luntiang puno, sa dalisay ng hanging ng tanghali, biniro ko si nessa
gusto ko ng solitary confinement.
dininig ata ng diyos ang hiling ko. dahil dito, ngayon, kami ay nagbubulag-bulagan, nagbingi-bingihan, nagpapakapipi.tulog pero gising ang diwa. andito sila, pero ako ay nag-iisa.
mas masakit pala na kung kailan ka andito sa bahay, mas nararamdaman mong wala ka.
umaalingawngaw ang katahimikan. nagagap ko na ang lahat. mas malinaw. mas masakit.
ah, eto pala ang solitary confinement– tahimik ang sakit na dalisay. mismo.
kung ang lahat ng araw ay sa akin
October 8, 2007Pag-uwe mo sa bahay, inabutan mo ako ng dalawang balot ng tskolate. matamis. materyal. mahal. Happy birthday. sabi ng dalawang balot ng butterfinger. Pumasok ka sa iyong silid, ipininid ito at pinalitan ang iyong puting uniporme ng blusang asul na sinuot mo na din noong Sabado pagpunta mo sa simbahan. Sa ating hapag-kainan kung saan hindi inihanda ang lamesa, nakatago ang mga pinggan, ang kutsara't tinidor, inilatag mo ang iyong libro. Ang librong kasing kapal ng aking hinliliit na pinabili mo noong nakaraang book sale. Inilatag mo ang libro mo sa mesa, nagtimpla ng kape at nagbasa. Umupo ka at nagbasa tulad ng ginagawa mo sa araw araw. Inilapat mo ang higit kumulang 800 pahina ng mga dunong magpapayaman sa iyo. Inaaral mo ang mga bagay na magpapayaman sa iyo, ang mga bagay na magsasauli ng perang pinangtustos sa pag-aaral mo.
Ilang minuto ang nakalipas at niyaya ka ng umalis. Iwan ang isang 800 pahina upang maranasan ang lumabas at madampisan ng sariwang hangin sa gabi, hindi amoy alkohol o dugo. Ngunit nag-atubili ka, at nangangalit na sinabing "bakit ba kayo nagmamadali?" Gusto na kita sanang sampalin ng mga salitang, 'kahapon ka pa ganyan!" Kahapon ka pa nagmamadali. Nagmamadaling hindi kami pagbigyan. Isang araw ka lang magtitiis, nakuha mo pang magmadali. Nag-aantay kasi si mami, sa kanto na walang katiyakan, kailangan magmadali. Pero ang una mong naisip ay lalamig ang iyong kape, maiiwan ang mga pahinang kating-kati sa iyong muling pag-haplos sa kanya. Kating-kati na rin kami na iwan mo ang sarili mo, kahit isang gabi lang, kahit ilang sandali lang. Galit pang hinanap ng iyong bibig ang insulated mug para sa iyong kape.
Inantay ka namin tulad ng pag-aantay naming mapawi ng magandang buwan ang poot mo. Hinipan ng malamig na simoy ang iyong diwa patungo sa akin. Alam ko na, kakaalis pa lang natin, nagmamadali ka ng umuwi. Hanggang ngayon ay nag-aantay pa rin kami. Hanggang bukas ay marahil mag-aantay pa din.
Pagkatapos ng isang bandehadong kanin, plato ng asparagus, tasa ng tsaa, mangkok ng beef wanton, plato ng steamed lapu-lapu at calamares, sa abot ng aking makakaya, pinilit kong 'wag kang tignan. Iniwasan kong magniig ang ating paningin. Alam kong duduruin lang ako ng iyong mga titig, paagusin nito ang batis ng luha ng inis na kinimkim ko. Pero hindi ko nakayanan.
Sinimot natin ang isang libong mahigit na hapuan, bago ka magsimulang magsalaysay, inakusahan kitang nagrereklamo. Hindi ako nagsisisi. Tinanong mo ako kung masama ba ang magkuwento, sinabi ko, hindi. Tumahimik ka, dahil alam mong hindi ka lang nagkukuwento, dahil kung alam mong nagkukuwento ka (lang) hindi ka titigil, hindi ka tatahimik, at di ka dudukot ng panyo iyong bulsa at hindi mo dadampiin ang luhang naiipon sa gilid ng iyong mata. Pero, tumahimik ka, tumahimik din ako. Sa katahimikan, bumalik ako sa mangkok ng aking beef wanton, ginagalingan kong ihiwalay ang litid sa karne sa pamamagitan lang ng aking tinidor. Ginagalingan kong di mo mapansin na tinitignan kita sa gilid ng mga mata ko. Tumahimik ka, tumahimik ako, tumahimik si mami, tumahimik si dadi, tumahimik si ate pero nangungusap ang ating mga damdamin. Kung pwede lang lahat tayo ay sabay sabay na dumukot ng ating panyo sa ating bulsa at dampiin ang mga namumuong luha sa gilid ng ating mga mata, ginawa natin iyon.
Dahil hindi lang tayo ang nahihirapan. At kung nahihirapan man tayo, wala ito sa hirap na dinaranas ng iba. Ate, wala iyan sa hirap na nararamdaman nina mami at ni dadi, pati na ako at ni ate. Oo, inaamin ko na tungkulin kong makinig, pero sana aminin mo na minsan tungkulin mo ding makinig, kahit minsan. kahit minsan man lang sana, sa araw namin.
RIGHTS
October 4, 2007Ito ang mga sumusunod na mga pelikulang pumapaloob sa koleksiyong naghahatid na imulat ang mga mamamayan ukol sa mariing pagbabaliwala sa mga karapatang-pantao:
Pam Miras: THE GOOD NEWS
Mike Dagnalan: DIYARYO
JL Burgos: DEFINITION 1
King Catoy: UNANG ARAW
Jon Red: IGNORANTE
John Torres: ONE TILTED SCREEN
Sunshine Matutina: JUAN, TAKBO! and THE DISAPPEARED
Paolo VIllaluna: TANGA
Sigrid Andrea Bernardo: BANGKO O EROPLANO,LOST AND FOUND
RJ Mabilin: HUMAN RIGHTS WORKER
Kiri Dalena: WHERE IS JONAS? and ADELISA
Sigfreid Barros Sanchez: DUKOT and KARNE
Nino Tagaro: IKAW?
Ito ang pinaka-nakaantig ng damdamin ko. salamat sa inisyatiba ng mga filmmaker na lubusang binaka ang pang-iipit ng MTRCB. lalong nagtatanong ang tao kung bakit kailangan kayong higpitan, at lalo lamang ito naguudyok ng hanapin ang kasagutan. salamat sa pagpukaw sa damdaming maka-tao, maka-bayan.
Karapatang ipalabas ang Rights
Mariing kinokondena ng UP SINING AT
LIPUNAN (UP SILIP) ang pahayag mula sa
MTRCB na pagkakategorya bilang X-Rated
sa RIGHTS : isang koleksyon ng mga
public service announcements mula sa
iba’t ibang filmmakers.
Ayon sa MTRCB, makaisang panig at
pagmamaliit sa pamahalaan ang nilalaman
ng naturang maiikiling vidyo kaya't di
ito nararapat na maipalabas sa publiko.
Tampok sa mga vidyo na ito ang mga
pananaw ng mga artista't filmmaker sa
iba't ibang isyu ukol sa karapatang
pantao—mga sapilitang pagkawala,
pulitikal na pamamaslang, pagsupil sa
kalayaan sa pamamahayag at iba pang
paglabag sa karapatang pantao. Ngunit
ang bawat artista ay may kalayaang
pumili ng nais niyang panigan. Sa
pagkakataong ito, sa mga biktima–ang
mamamayan.
Ang ganitong uri ng paniniil ay isang
paghadlang sa karapatan at kalayaan ng
mga alagad ng midya at ng sining na
magpahayag. Marahil ay takot lamang ang
mga institusyong ito na makita ang tunay
na mga kaganapang sila mismo ay ayaw
nilang harapin at tugunan.
Naniniwala ang UP SILIP na ang pelikula
ay isang makapangyarihang porma ng
sining at nararapat lamang na magsilbi
ito sa panlipunang pagbabago. Kaya naman
bagkus na censorship, pagkilala at
pagpupugay ang dapat ihandog sa grupo ng
mga filmmakers na ito na ginamit ang
kanilang sining para ipamalas ang
katotohanan. At sa ganitong mga
insidente ng represyon, higit lamang
nilang pinupukaw ang pagnanais ng mga
artista't filmmaker na patuloy na
lumikha, magsiwalat at magmulat.
Ipagtanggol ang mga karapatang pantao!
Ipagtanggol ang kalayaan ng sining at ng
pamamahayag!
Sumipat at mamulat.
-UP SINING AT LIPUNAN
* sa ngayon, ibinaba ng MTRCB ang naunang X-rating nito sa RIGHTS, ito ay ginawa ng R-13.
nestled injustice: there’s blood in your cofee
there's blood in your coffee,
flesh of every child who labored for your block of chocolate,
children who are starve for nourishment for every 30-second ad of formula.
the injustice that nestle impose upon its workers and consumers alike is impossible to neglect.
CHOOSE WELLNESS. DON'T CHOOSE NESTLE.




