Home » Post Item » kung ang lahat ng araw ay sa akin
kung ang lahat ng araw ay sa akin
October 8, 2007Pag-uwe mo sa bahay, inabutan mo ako ng dalawang balot ng tskolate. matamis. materyal. mahal. Happy birthday. sabi ng dalawang balot ng butterfinger. Pumasok ka sa iyong silid, ipininid ito at pinalitan ang iyong puting uniporme ng blusang asul na sinuot mo na din noong Sabado pagpunta mo sa simbahan. Sa ating hapag-kainan kung saan hindi inihanda ang lamesa, nakatago ang mga pinggan, ang kutsara't tinidor, inilatag mo ang iyong libro. Ang librong kasing kapal ng aking hinliliit na pinabili mo noong nakaraang book sale. Inilatag mo ang libro mo sa mesa, nagtimpla ng kape at nagbasa. Umupo ka at nagbasa tulad ng ginagawa mo sa araw araw. Inilapat mo ang higit kumulang 800 pahina ng mga dunong magpapayaman sa iyo. Inaaral mo ang mga bagay na magpapayaman sa iyo, ang mga bagay na magsasauli ng perang pinangtustos sa pag-aaral mo.
Ilang minuto ang nakalipas at niyaya ka ng umalis. Iwan ang isang 800 pahina upang maranasan ang lumabas at madampisan ng sariwang hangin sa gabi, hindi amoy alkohol o dugo. Ngunit nag-atubili ka, at nangangalit na sinabing "bakit ba kayo nagmamadali?" Gusto na kita sanang sampalin ng mga salitang, 'kahapon ka pa ganyan!" Kahapon ka pa nagmamadali. Nagmamadaling hindi kami pagbigyan. Isang araw ka lang magtitiis, nakuha mo pang magmadali. Nag-aantay kasi si mami, sa kanto na walang katiyakan, kailangan magmadali. Pero ang una mong naisip ay lalamig ang iyong kape, maiiwan ang mga pahinang kating-kati sa iyong muling pag-haplos sa kanya. Kating-kati na rin kami na iwan mo ang sarili mo, kahit isang gabi lang, kahit ilang sandali lang. Galit pang hinanap ng iyong bibig ang insulated mug para sa iyong kape.
Inantay ka namin tulad ng pag-aantay naming mapawi ng magandang buwan ang poot mo. Hinipan ng malamig na simoy ang iyong diwa patungo sa akin. Alam ko na, kakaalis pa lang natin, nagmamadali ka ng umuwi. Hanggang ngayon ay nag-aantay pa rin kami. Hanggang bukas ay marahil mag-aantay pa din.
Pagkatapos ng isang bandehadong kanin, plato ng asparagus, tasa ng tsaa, mangkok ng beef wanton, plato ng steamed lapu-lapu at calamares, sa abot ng aking makakaya, pinilit kong 'wag kang tignan. Iniwasan kong magniig ang ating paningin. Alam kong duduruin lang ako ng iyong mga titig, paagusin nito ang batis ng luha ng inis na kinimkim ko. Pero hindi ko nakayanan.
Sinimot natin ang isang libong mahigit na hapuan, bago ka magsimulang magsalaysay, inakusahan kitang nagrereklamo. Hindi ako nagsisisi. Tinanong mo ako kung masama ba ang magkuwento, sinabi ko, hindi. Tumahimik ka, dahil alam mong hindi ka lang nagkukuwento, dahil kung alam mong nagkukuwento ka (lang) hindi ka titigil, hindi ka tatahimik, at di ka dudukot ng panyo iyong bulsa at hindi mo dadampiin ang luhang naiipon sa gilid ng iyong mata. Pero, tumahimik ka, tumahimik din ako. Sa katahimikan, bumalik ako sa mangkok ng aking beef wanton, ginagalingan kong ihiwalay ang litid sa karne sa pamamagitan lang ng aking tinidor. Ginagalingan kong di mo mapansin na tinitignan kita sa gilid ng mga mata ko. Tumahimik ka, tumahimik ako, tumahimik si mami, tumahimik si dadi, tumahimik si ate pero nangungusap ang ating mga damdamin. Kung pwede lang lahat tayo ay sabay sabay na dumukot ng ating panyo sa ating bulsa at dampiin ang mga namumuong luha sa gilid ng ating mga mata, ginawa natin iyon.
Dahil hindi lang tayo ang nahihirapan. At kung nahihirapan man tayo, wala ito sa hirap na dinaranas ng iba. Ate, wala iyan sa hirap na nararamdaman nina mami at ni dadi, pati na ako at ni ate. Oo, inaamin ko na tungkulin kong makinig, pero sana aminin mo na minsan tungkulin mo ding makinig, kahit minsan. kahit minsan man lang sana, sa araw namin.
Previous Comments
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.



awww.
:(
Posted by anali at October 8, 2007, 11:47 pm